Junior High School Program

Sa kabuuan, ang kursong Filipino I-IV sa mataas na paaralan, sa pamamagitan ng mga araling pangwika at pampanitikan ay naglalayong mabisang malinang ang mga kaalaman at kasanayang pangkomunikatibo ng mga mag-aaral, at mahasa ang kanilang kakayahan sa pagbasa, pakikinig, pagsasalita, at pagsusulat.

Bilang pag-alinsunod sa mga makabagong kalakarang pangwika at sa bagong kurikulum sa Filipino isinasaalang-alang din ang pagbibigay-diin sa mga pagpapahalagang Pilipino tulad ng mga katangiang moral at ispiritwal, sosyal, pulitikal, at iba pang aspekto ng pamanang kulturang iniwan sa atin ng lumang kabihasnan upang maiangkop ang mga ito sa makabagong takbo ng buhay.

Pinag-uukulan din ng pansin ang paglinang sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbibigay-kuro, paggawa ng tala, pakikipanayam, pagsulat ng mga liham, pagsunod sa mga panuto, panimulang pag-aaral at pag-unawa sa pagsasaling-wika at pananaliksik at iba pang makatutulong sa paghubog ng diwa at kaisipang maka-Filipino.

Inaasahang, sa pamamagitan ng paglinang ng mga kaisipang napapaloob sa mga araling pang-wika at pampanitikan, magkakaroon ng kaganapan ang pangunahing layunin ng edukasyon para sa mga kabataan, at matatamo ang isang uri ng mapaglaya, demokratiko, at makabayang edukasyon tungo sa matibay na sandigan para sa pambansang kaunlaran.